Sapul sa CCTV ang pagnanakaw ng isang lalaki sa speaker ng isang kainan sa Antipolo, Rizal. Pagkatapos ng ilang araw, isang bata naman ang tumangay sa kanilang tip box.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, mapanonood ang pag-akyat ng isang lalaki sa bakod ng kainan sa Barangay Dela Paz madaling araw ng Sabado.
Nagpunta ang lalaki sa may counter, hinawakan ang tip box at kinapa ito sa ilalim.
Bigo itong makuha ng lalaki kaya yumuko siya sa may gilid at isang speaker na lamang ang kaniyang tinangay.
Muling umakyat ng bakod ang lalaki bago tumakas dala-dala ang ninakaw na item.
Sinabi ni Fatima Anna Abria, may-ari ng tindahan, kasasara lang nila nang looban ang kanilang tindahan.
“Alas dos po ang sarado namin, tapos nangyari siya 2:18 a.m. May tao pa sa loob, gising pa 'yung mga tao, tapos inakyat niya na kami dito,” sabi ni Abria.
Umaga na nang matuklasan nilang nawawala na ang kanilang speaker na pinapatugtog umano nila sa tuwing bubuksan ang kainan.
“Nu’ng nakita ko 'yung mukha, noong sumunod na araw, doon ko siya na-realize after ko mag-deliver that night, nakita ko siya roon sa kanto bago ako mag-park ng motor. So doon ko na-realize na okay siya 'yun, naghihintay lang siya na magsara kami bago niya kami akyatin,” sabi ni Abria.
Makaraan ang dalawang araw, tanghali ng Lunes, isa namang batang lalaki ang pumasok sa kanilang kainan.
Sa bakod umakyat ang batang lalaki, hinawakan ang tip box at sumampa sa upuan. Pilit na inaalis ng bata ang tip box na naka-screw hanggang sa mabaklas niya ito at tumakas.
“Siguro mga nasa seven pa yata 'yung bata na 'yun. Natingin ko kasama rin nu'ng unang umakyat sa aming kasi 'yung tip box na 'yun, 'yun din 'yung unang kinukuha nu'ng unang magnanakaw na hindi niya nakuha kasi naka-screw,” sabi ni Abria.
Sinabi ng barangay na posibleng dayo at magkakilala ang lalaki at ang bata.
“Parang hindi po taga-rito, first time ko po nakita 'yun. First time din pong makita nu'ng aming mga tanod,” sabi ni Corazon Dacany, desk officer ng Barangay Dela Paz.
Kasalukuyang tinutugis ng mga awtoridad ang dalawa.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News
