Isang pahinante ang namatay matapos madapa at magulungan ng truck sa Congressional Avenue Extension sa Quezon City, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.

Kita sa video na tumatakbo ang tatlong lalaki sa tabi ng truck nang biglang matalisod at matumba ang pahinante.

ADVERTISEMENT

Ayon sa isang saksi, may nakaladkad na plastic barrier ang truck kaya ito hinabol ng dalawang lalaking nakamotorsiklo na pinaniniwalaang mga taga-Department of Public Works and Highways (DPWH).

Bumaba raw ang pahinante para tanggalin ang nakaladkad na barrier pero sinuntok at tinulak raw siya ng mga taga-DPWH kaya siya nasagasaan.

Hindi raw napansin ng driver ng truck na may nasagasaan na siya. Sumuko na siya sa mga otoridad at nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide.

Inaalam naman ng pulisya ang pagkakakilanlan ng dalawang lalaking humabol sa truck. —KBK, GMA News