Matapos alisin bilang pinuno ng House committee on public accounts, tinanggal naman ngayon bilang vice chair naman ng committee on legislative franchises si Anakalusugan partylist Representative Mike Defensor.

Ipinalit kay Defensor sa puwesto si Zamboanga Sibugay Representative Wilter "Sharky" Palma.

Ang franchises committee na pinamumunuan ngayon ni Palawan Rep. Franz Alvarez, ang dumidinig sa mga panukalang batas patungkol sa pagkakaloob o pagbawi sa prangkisa sa isang kompanya.

Kilala si Defensor na kaalyado ni dating Speaker Alan Peter Cayetano, na pinalitan ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco bilang lider ng Kamara de Representantes noong nakaraang Oktubre.

Matapos maalis si Cayetano sa posisyon bilang speaker, inalis kay Defensor ang pamumuno sa public accounts committee.

Lima pang komite ang inalis kay Defensor bilang vice chairman.

Kamakailan lang, binatikos ni Defensor ang liderato ni Velasco sa pagkakatapyas ng P20-bilyong military, police pension and gratuity funds sa 2021 budget.--FRJ, GMA News