Umabot sa 8,019 ngayong Lunes ang mga bagong positibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas. Dahil dito, lumobo na sa 80,970 ang mga aktibong kaso ng virus o mga pasyente na patuloy na ginagamot.

Sa datos ng Department of Health, 671,792 na ang naitalang bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 sa bansa, at mayroon pang dalawang laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos.

Ang 80,970 na active cases ang pinakamataas na bilang din sa bansa ngayong taon.

ADVERTISEMENT

Sa naturang bilang ng mga tinamaan ng virus, 95.4% ang mild cases, 2.2% ang asymptomatic, 0.9% ang critical, at 1% ang severe condition.

Nadagdagan ng naman 103 ang mga gumaling para sa kabuuang bilang na 577,850.
Apat na pasyente pa ang nadagdag sa listahan ng mga pumanaw na umangat naman sa kabuuang bilang na 12,972.

Sa datos ng DOH, nakasaad na 53% ng intensive care unit beds at 32% ng mechanical ventilators ang nagagamit na.

Una rito, sinabi ng DOH na ang dalawang coronavirus variants of concern ay mayroon na sa lahat ng lungsod ng Metro Manila.

Nitong nakaraang Sabado, umabot sa 7,999 ang naitalang new COVID-19 cases.—FRJ, GMA News