Nahuli kinaumagahan ang isang magnanakaw sa Pasay City na nagnakaw ng pera sa isang tindahan madaling-araw noong Martes.

Kinilala sa ulat ni Mai Bermudez sa "Unang Balita" ang suspek na si Danny Aguinaldo, na nagnakaw sa isang tindahan sa may F. Cruz Street, Barangay 171 sa Pasay.

Agad na nahuli ang suspek dahil kilala siya sa lugar at nakita siya sa CCTV.

Ayon sa ulat, pumasok ang suspek sa isang tindahan at nilimas ang kita nito. Nalaman ng may-ari ang pagnanakaw kinaumagahan na ng Martes.

Nakuha ni Aguinaldo ang P14,000 na kita ng tindahan.

Nang mahuli ng mga pulis, sinabi ni Aguinaldo na mahigpit ang kanyang pangngailangan dahil wala siyang permanenteng trabaho at suma-sideline lang sa pagpe-pedicab at pagiging construction worker.

Humingi ng paumanhin ang suspek sa kanyang pinagnakawan, at nangakong isasauli ang pera. Kaso nga lang, aniya, kulang na ito.

Ginamit niya ang pera upang umano itulong sa kanyang kumare na isinugod ang anak sa ospital. Binigyan din umano niya ng pera ang kanyang ina at ang kanyang kapatid, at bumili rin siya ng droga na P1,000.

Nakarekober ang mga pulis ng pera mula sa suspek. Sa P14,000 na nanakaw niya, P4,600 na lamang ang halagang naibalik sa biktima. —LBG, GMA News