Halos 100,000 na ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas matapos makapagtala ng 8,773 na mga bagong kaso ng hawahan sa Pilipinas ngayong Huwebes. Ito na ang pinakamataas na bilang ng virus infection sa bansa.
Base sa datos mula sa Department of Health (DOH), mayroon pang anim na laboratoryo ang hindi nakapagsumite ng kanilang datos ngayong araw.
Sa kabuuan, umabot na sa 693,048 ang naitalang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa nasabing bilang, 99,891 ang active cases o patuloy na ginagamot.
Nahigitan ng mga bagong kaso ng COVID-19 ngayongHuwebes ang dating all-time high na 8,019 infections noong Lunes.
Sa bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19, 95 percent ang "mild," three percent ang "asymptomatic," 0.8 percent ang "severe," at 0.8 percent ang "critical condition."
May 574 na pasyente naman ang gumaling na para sa kabuuang bilang na 580,062. Samantalang 13,095 na ang kabuuang bilang ng mga pumanaw matapos madagdagan ng 56.
Ayon sa DOH, mayroong 36 duplicate cases ang inalis sa total case count, at may pitong pasyente na dating nakalista na gumaling ang inilipat sa hanay ng mga pumanaw matapos ang isinagawang final validation.—FRJ, GMA News
