Sa harap ng mga ulat na nahihirapan ang mga COVID-19 patient na makapasok sa ospital dahil punuan na, hindi maiwasan na may mga magtanong kung naranasan din kaya ito ni presidential spokesperson Harry Roque, na naka-confine sa ospital dahil din sa naturang virus.

Gayunman, tumanggi ang kalihim na magbigay ng detalye tungkol dito, at sa halip ay ipinaliwanag na bumaba ang kaniyang oxygen level kaya kinailangan siyang dalhin sa ospital.

“With all due respect, that is an unchristian question,” sabi ni  Roque nitong Lunes habang nasa Philippine General Hospital, kung saan niya ginagawa ang regular press briefing.

“Bumaba po ang aking oxygen level to 90,” patungkol sa dahilan ng kaniyang pagkakaospital.

Nitong nakaraang Abril 10 nang sabihin ni Roque na nagpositibo siya sa COVID-19. Sa nabanggit ding araw, sinabi niyang dadalo siya sa pulong online ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF).

Noong Marso 15, ibinalita rin ni Roque na nagpositibo siya ng COVID-19 pero asymptomatic siya.

Hindi naman ipinakita ni Roque ang RT-PCR test niya nang hilingin ng mga mamamahayag dahil sa umano'y "privacy."

Ngayon Lunes, tiniyak ni Roque na nakalatag na ang mga hakbangin para gamutin ang mga COVID-19 patient sa bansa.

“Ang aking assurance, sa administrasyon ni Presidente Rodrigo Duterte, lahat po ng nangangailangan ng tulong medikal ay mabibigyan ng tulong dahil sa Universal Healthcare Law,” giit niya.

Nitong mga nakaraang linggo, ilang kuwento ng mga pasyenteng nasawi habang naghihintay na ma-admit sa pagamutan ang naibalita dahil napuno na ng mga COVID-19 patient ang mga ospital tulad sa Metro Manila.

Ang iba naman, ilang ospital muna ang inikutan o kaya naman ay nakarating sa mga kalapit na lalawigan bago natanggap sa ospital ang kanilang pasyente.--FRJ, GMA News