Nagsilbing aral sa isang pamilya ang kanilang naging karanasan nang tamaan ng COVID-19 ang 18 sa kanila matapos mag-reunion. Sa kabutihang palad, nalampasan nilang lahat ang pagsubok pero umabot sa P1 milyon ang kanilang gastos sa pagpapagamot.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News “24 Oras" nitong Huwebes,  sinabing nagdesisyon ang magkakaanak na magkita-kita isang taon mula nang magka-pandemic nitong Marso.

“Eighteen adults. Lahat ‘yon [tinamaan], walang pinalampas. Walang hindi negative,” sabi ni Princess Chua-Lio, kabilang sa mga dumalo sa reunion.

Batid naman daw nilang maingat sila, at katunayan, isang araw bago ang reunion, nagpaalala pa sila sa isa't isa na huwag nang dumalo ang sinomang may nararamdaman na sakit.

Sa simula, sinabi ni Princess na mayroon silang face mask pero kinalaunan ay inalis din nila, lalo na ang oras ng pagkain.

“So natapos ‘yung weekend ng masaya at okay lahat. Umuwi lahat nang wala kaming inaalala,” kuwento niya.

ADVERTISEMENT

“Although that night parang after mag-uwian na sila, ‘yung husband ko parang sabi niya, parang bigla siyang nagsabi, 'tama ba ‘yung ginawa natin?” pahayag ni Princess.

Ayon pa kay Princess, ang mister niya ang unang nakaramdam ng sintomas ng sakit.

“Ayaw ko isipin. Sabi ko sa kaniya, ano ka ba baka ano lang ‘yan, baka ubo lang ‘yan. Sabi ko observe lang natin. Siya mismo nagsabi na, 'hindi parang iba na ito, eh,'” kuwento pa ni Princess.

Matapos nito, sunod-sunod nang nagkasakit ang mga dumalo sa reunion at 18 ang nagpositibo sa virus.

May apat pang bata sa kasama sa reunion pero hindi na nila pina-swab kaya hindi nakumpirma kung tinamaan din sila ng virus.

Wala naman daw naramdamang sintomas ang mga bata at hindi nila gustong ma-trauma ang ito kaya hindi na pina-swab.

Ang kaniyang mister, ang kaniyang ama at lalaking biyenan, na-ospital.

Umabot sa P1 milyon ang nagastos nila sa gamutan at matagumpay naman na  napaglabanan nilang lahat ang virus.

Ayon sa isang health expert, lahat ng factor ng hawahan ay nasa sitwasyon ng naturang reunion.

Kabilang na dito ang pagiging kulong ng kuwarto na walang lagusan ng hangin, walang mga suot na face mask, at ang pagiging magkakalapit habang nagkukuwentuhan.

Ayon kay Princess, ibinahagi niya ang kanilang karanasan para magsilbing paalala rin sa iba.

"Dahil dun sa isang gabi na 'yon, dahil gusto niyo lang magkasama-sama, hindi siya worth it sa panahon ngayon. Mag-sacrifice muna at sumunod muna tayong lahat kasi iba na talaga yung nangyayari," paalala niya.--FRJ, GMA News