Sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na umabot sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan ang inilabas na sulfur dioxide (SO2) gas ng bulkang Taal.

"Sa ating mga datos na kalalabas lang at nakita po namin kagabi ay nakita natin na ang sulfur dioxide gas ay na-disperse," paliwanag ni PHIVOLCS Officer-in-Charge at Science and Technology Undersecretary Renato Solidum Jr. sa panayam ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules.

"Maliban doon sa vog sa Taal area ay na-disperse po sa iba't ibang dako kasama ang ilang bahagi ng Luzon kasama ang NCR, mga karatig na probinsiya," dagdag niya.

Pero sabi ni Solidum, ang smog na nakita sa Metro Manila ay polusyon na pinalala ng temperature inversion.

"Ang temperature ng hangin mula sa ground o ibabaw paakyat ay bumababa. Nagsimula ng June 26 ayon sa PAGASA," paliwanag ng opisyal.

"Nagkaroon ng isang layer ng mainit na hangin o warm air na imbes na umangat ang mga pollutants at pumunta sa itaas ay dahil malamig ito, mas malamig ito kaysa doon sa mainit na hangin, ay ito ay hindi napapaangat. Kaya lalong dumami din ang pollutants dito sa Metro Manila na nagsimula noong June 26, Sabado," dagdag ni Solidum.

ADVERTISEMENT

Bukod sa temperatura, pinalala rin umano ng sulfur dioxide ang polusyon sa hangin.

"Pero dahil nagkaroon ng mas mataas na emission sa Taal Volcano noong Lunes ng umaga, [mahigit] 14,000 tonnes per day, at ayon nga sa bagong satellite data ay napadpad sa hangin papunta dito, kaya ang usok na nakita natin at nakikita pa rin hanggang ngayon, kahit umaga, ay talagang maraming pollutants ang nagho-hover dito sa Metro Manila dahil mas malamig ang hangin ngayon," patuloy ni Solidum.

 

 

"Pero dahil nga sa pagpadpad ng sulfur dioxide gas over Metro Manila ay mas naging hazy ang pananaw ng ating mga kababayan sa paligid ng Metro Manila," dagdag nito.

Nitong Martes, sinabi ng PAGASA na ang "haze" na nakita sa Metro Manila ay dulot ng thermal inversion.

Paliwanag ni PAGASA weather specialist Joey Figuracion, nangyayari ang haze kapag nakulong ang hangin kasama ang "moisture, smoke, and other particles."

Bukod sa Metro Manila, apektado rin ng usok ang Batangas, Laguna, Cavite, Rizal, Bulacan, Pampanga, Bataan and Zambales.

“Satellite detection on 29 June 2021, showed an even larger coverage of Luzon Island,” ayon sa PHIVOLCS.

Ayon kay Solidum, nananatili sa Alert Level 2 ang Taal Volcano ngayong Miyerkules.

"Ang Bulkang Taal ay patuloy na nagbubuga ng sulfur dioxide gas emission," dagdag niya.

Dapat umanong manatiling off limits sa mga tao ang Taal Volcano Island dahil may masamang epekto ng sulfur dioxide gas lalong-lalo na sa mga nasa isla.

Pinayuhan naman niya ang mga nakatira malapit sa bulkan na magsuot ng face mask, manatili sa bahay at uminom ng maraming tubig. —FRJ, GMA News