Isang lalaki ang nasawi matapos magwala at sunugin ang kaniyang bahay sa Parañaque City. Ang ilan niyang mga kapitbahay, problemado rin matapos madamay ang kanilang mga bahay at kasamang naabo.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang nasawing lalaki na si Elmer Junsay, 48-anyos, ng Barangay BF sa  Parañaque.

Napag-alaman na dating ginamot si Junsay dahil sa depresyon pero itinigil daw nito ang pag-inom ng gamot, ayon sa kaniyang anak.

Kaninang umaga, nagwawala raw ang kaniyang ama at nananakit na rin kaya hindi na nila malapitan. At nang magkulong sa kanilang bahay, doon na naganap ang sunog na kaniyang ikinasawi.

Dahil magkakadikit ang mga bahay at gawa sa light materials, sampung bahay pa ang nadamay at naabo.

Humihingi ngayon ng tulong ang mga pamilyang nasunugan para maipagawa ang kanilang bahay.

Nangako naman si Barangay Chairman Paolo Marquez na magbibigay sila ng tulong sa mga biktimang nasunugan.

Para sa mga nakararanas ng depresyon o may kakilala na kailangan ng makakausap, maaaring tumawag sa mga sumusunod na numero:

  • Hopeline, the 24/7 suicide prevention hotline:  (02) 804-4673; 0917-5584673.
  • Crisis Hotline: 1555
  • Globe: 0966-3514517/9017-8998727/9017-899-USAP
  • Smart: 0908-6392672

--FRJ, GMA News