Binaril sa isang eskinita sa Balut, Tondo sa Maynila ang isang lalaki at isang babae. Ang mga biktima, hindi raw residente sa barangay.

Sa ulat ni Mae Bermudez sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing nangyari ang krimen sa Barangay 146 dakong 1:00 am.

Sa kuha ng CCTV camera, nakita ang isang pulang kotse na walang plaka ang tumigil sa lugar. Bumaba ang ilang sakay nito ay pumasok sa eskinita kung saan nangyari ang krimen.

Ayon sa isang residente, nakarinig sila noong una nang hanggang apat na putok, nasundan pa ng dalawa.

Nakatakas ang mga salarin, samantalang dinala sa ospital ang mga biktima pero binawian din sila ng buhay.

Hindi umano residente sa lugar ang mga biktima ayon sa opisyal ng barangay.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa motibo sa krimen, pero hinihinala na posibleng may kaugnayan ito sa ilegal na droga.--FRJ, GMA News