Mahigit P375 milyong jackpot prize ng Ultra Lotto 6/58 ang maaari pa ring mapanalunan kaya naman marami pa rin ang nagbabakasakali at nagngangarap na maging instant milyonaryo.

Ayon sa ulat ni Mark Salazar sa Unang Balita nitong Huwebes, ang Ultra Lotto 6/58 daw ang pinakamahirap mapalunan. Nagsisimula ang jackpot prize sa P60 milyon at nadagdagdagan ang pot money ng P50 milyon habang wala pang nananalo.

ADVERTISEMENT

Sa ngayon ay umabot na ng P375 milyon ang nasabing jackpot.

Ayon kay Said Magsaysay na isang taon nang tumataya sa lotto, kung siya ay papalarin ay uuwi na siya sa kanilang asawa at pitong anak sa Lanao Del Norte, at magtatayo ng sariling negosyo.

Paalala naman ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma, kung hindi pa sila handa kung paano gastuhin ang pera kung sakaling manalo ay mas makakabuting ibangko muna ito. Mayroon din daw Financial Management Orientation na ibibigay ang Landbank para dito.

Samantala, kung sakaling mapanalunan ang P375 milyon jackpot ay babawasan ito ng 20% ng gobyerno bilang tax. —Sherylin Untalan/KBK, GMA News