Patay ang driver ng tricycle at isa niyang pasaherong babae matapos banggain ng isang SUV ang kanilang sasakyan sa ibabaw ng tulay sa Malabon kaninang madaling araw. Ang trike driver, tumilapon pa sa ilog.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, kilala ang mga biktima na sina Norberto Pinuela,  65-anyos, driver ng tricycle, at pasahero niyang si Novelina Esto, 54-anyos.

Sa kuha ng CCTV camera, marahan lang takbo ni Pinuela sa ibabaw ng Lambingan bridge sa Barangay Concepcion, nang biglang mapunta sa kanilang linya ang kasalubong na SUV at salpukin ang tricycle.

Sa lakas ng pagkakabangga, nawasak ang harapan ng SUV habang humiwalay naman ang sidecar ng tricycle, at tumilapon sa ilog si Pineula.

ADVERTISEMENT

Nakita ang bangkay ni Pinuela kinaumagahan sa bahagi na ng katabing bayan ng Navotas.

Kinilala naman ang driver ng SUV na si Kim Russel Sioco, na nakadetine na sa himpilan ng pulisya.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, sinasabing galing sa party si Sioco at pauwi na kasama ang kaniyang asawa nang mangyari ang trahediya.

Aalamin ng mga awtoridad kung nakainom si Sioco nang mangyari ang sakuna, o na-distract siya habang nagmamaneho dahil sa impormasyon na nag-aaway silang mag-asawa habang nasa biyahe.

Bukod sa tricycle, dalawa pang sasakyan ang nabangga ni Sioco.

Desidido ang pamilya ni Pinuela na ituloy ang reklamo laban kay Sioco, na tumanggi namang magbigay ng pahayag.

Posibleng maharap si Sioco sa reklamong reckless imprudence resulting to multiple homicide.--FRJ, GMA News