Arestado ang isang lalaki sa Maynila matapos umano nitong gahasain ang dalawang babae at ikalat ang kanilang mga maseselang larawan at video, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Martes.

Bukod sa panggagahasa, kinuha rin umano ng suspek na si John Cedrick Valdez ang mga cellphone ng mga biktima saka kinikilan ang mga kaanak at kaibigan nila.

Ayon sa isa sa mga biktima, nakilala niya sa Facebook si Valdez. Pinangakuan daw siya nito na ipakikilala sa isang dayuhan na magbibigay sa kaniya ng P10,000.

"Sabi niya po sa kaharap na hotel, nandoon 'yung Chinese, kaya doon muna kami sa itaas sa room niya para i-instruction niya sa akin kung ano 'yung gagawin," anang biktima.

Matapos nito, dinala na raw siya ng suspek sa isang kuwarto saka kinuha ang kaniyang cellphone at kinunan siya ng mga malalaswang larawan.

ADVERTISEMENT

Ginahasa rin daw siya ni Valdez habang kinukunan pa ng video.

Matapos ang umanong panggagahasa, kinuha ng suspek ang cellphone ng biktima saka siya iniwan sa hotel.

Nang makauwi sa bahay, nagulat ang biktima nang malamang hacked na pala ni Valdez ang kaniyang Facebook account.

"Noong una po, nagpadala kami ng pera, akala namin matatapos na kasi nangako siya na buburahin niya na 'yung video 'pag naipadala namin 'yung pera na 'yun. Hanggang sa nagulat na lang po ako 'yung mga kaibigan ko nagme-message sa akin na 'Bakit may ganiyang picture?' ''May ganiyang video?' [Nalaman] ko na hindi pa rin po siya tumitigil," sabi ng biktima.

Ayon sa biktima, kumapit siya sa patalim dahil sa matinding pangangailangan ng kaniyang pamilya, at nawalan siya ng trabaho bilang saleslady dahil sa pandemya.

Nagpakita rin ang isang babae na ginahasa rin umano ng suspek.

Ayon sa isa pang babae, ginahasa rin umano siya ng suspek habang kinukunan ng video.

"Sabi niya po may Chinese siyang ibibigay sa akin. Tapos pagdating ko roon sa lugar, pinasok niya ako sa eskinitang maliit tapos may bahay. Noong natapos na 'yung ginagawa niya sa akin, doon niya nilabas 'yung baril niya, kumbaga tinatakot niya talaga ako," sabi ng pangalawang babae.

Ayon sa kaniya, nagawa niya ring sumama sa suspek dahil matagal na siyang walang trabaho dahil sa pandemya.

"May anak kasi ako, single mom ako, dalawa po anak ko," sabi ng pangalawang biktima.

Aminado naman si Valdez na pinakialaman niya ang cellphone ng dalawa pero itinanggi niyang ginahasa niya ang mga ito.

"Nasa grupo po sa Facebook may mga walker group. Ang mali ko lang ma'am pinakialaman ko 'yung mga cellphone nila, 'yun lang. Pero walang panggagahasang naganap," aniya. —Jamil Santos/KBK, GMA News