Sugatan ang dalawang pulis sa Quiapo, Maynila matapos mabangga ng lasing na rider ng motorsiklo.

Ayon sa ulat ni Katrina Son sa "24 Oras" nitong Linggo, biglang nawalan ng kontrol ang rider at nabangga ang mga pulis na nagbabantay sa may simbahan.

Kinilala ang dalawang biktima na sina Police Staff Sergeant Benjamin De Guzman at Police Corporal Renel Yambao na kaagad isinugod sa ospital.

ADVERTISEMENT

"Ang ginawa niya is binunot niya 'yong cellphone niya, magvi-video sana siya. Dahil lasing, hindi na niya na-kontrol 'yong takbo ng motor niya at nagdire-diretso na siya sa ating kapulisan," ani Police Lieutenant Colonel John Guiagui.

Nahuli naman ang suspek na si Ronald Aesuivel.

"'Pag lasing kasi ako ginagawa ko 'yon eh nagkataon na hindi ako naka-full face so nahipan ako ng hangin. Inaamin ko nakainom ako noon, bigla ako napikit tapos 'pag gising ko, nakahandusay na kami," ani suspek.

"Nais ko sanang humingi ng tawad. Kasalanan ko po pero hindi ko sinasadya."

Nakatakdang ma-inquest ang suspek at sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in physical injury. — Ma. Angelica Garcia/BM, GMA News