Umakyat na sa anim na preso ang nasawi sa nangyaring riot sa Caloocan City Jail nitong Lunes ng hapon.
Sa ulat ni Corinne Catibayan sa GTV "Balitanghali," sinabi ng mga awtoridad na larong "cara y cruz" ang ugat ng riot na kinabibilangan ng mga miyembro ng Commando at Sputnik Gangs.
"Nagsimula po ito sa biruan, nagkapikunan, hanggang sa nagkampihan na ang iba't ibang tao mula sa iba't ibang grupo," ayon kay Jail Superintendent Xavier Solda, spokesperson ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Sinabi ni Solda na matagal nang walang riot na nangyayari sa piitan at posibleng isa umano sa dahilan nito ay ang halos dalawang taon na "no physical visitation policy" bunga ng COVID-19 pandemic.
"Sa isang araw, kailangan natin ng kausap, ma-check yung pamilya natin," anang opisyal.
Apat sa mga nasawi ay kinilalang sina Arturo Biyasa, Hans Omar, Sherwin Perez at John Patrick Chico.
Mahigit 30 pang bilanggo ang nasugatan sa kaguluhan.
Sa pahayag, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na iniimbestigahan na nila ang insidente.
“The police is further investigating this incident in coordination with the Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) because it involves multiple casualties,” ani PNP Chief Police General Dionardo Carlos.
“The PNP will also look at the presence of various opposing gangs inside the jail facility that may have started the riot because those who died belong to different groups,” dagdag niya.
— FRJ, GMA News
