Magpapatupad ng curfew para sa mga edad 17 pababa ang mga alkalde sa Metro Manila sa ganap na 10 p.m. hanggang 4 a.m., ayon kay Metro Manila Council chairperson Parañaque City Mayor Edwin Olivarez.

“’Yun pong ating curfew pinatutupad po natin yan sa minor. Lahat po kami, local government unit (LGU) sa Metro Manila, may specific ordinance. Yung atin pong mga 17 and below ‘yan po ay pinai-implement po ang ating curfew from 10 p.m. until 4 a.m.,” pahayag ng alkalde sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Martes, .

“Sa minor po ‘yan that is 17 years old and below, yung po adults wala pa pong curfew na pinagkakasunduan po doon,” dagdag niya.

ADVERTISEMENT

Kasalukuyang nasa Alert Level 3 ang NCR hanggang January 15, 2022, batay sa desisyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), kasunod ng pagdami ng COVID-19 cases sa bansa.

Sinabi rin ni Olivarez na nagkaisa ang Metro Manila Council, kinabibilangan ng 17 alkalde na, na panatilihin ang NCR sa Alert Level 3 kahit nasa 55% na ang health care utilization rate sa rehiyon.

“Base sa data na ibinigay ng DOH (Department of Health) yung ating health care utilization rate ay umaabot ng 55%. Doon po sa pamantayan ng ating DOH at IATF yung pong 70% na healthcare utilization rate doon po umaabot yung Alert Level 4, so andoon pa po tayo sa Alert Level 3,” paliwanag niya.

Muli raw nilang susuriin ang sitwasyon pagkaraan ng isang linggo kung magkakaroon ng pagbabago sa health care utilization rate.

Inihayag din ni Olivarez na wala pang desisyon kung muling ipatutupad ang paggamit ng face shield sa publiko.

“Wala pa ho yan nag-iintay pa po tayo ng scientific study through science kung ang face shield ay nakakatulong. Pero sa huling pulong po namin, hindi pa rin po compulsory ang face shield, it is voluntary na pwedeng gamitin ng ating mga constituents,” anang alkalde.

— FRJ, GMA News