Isang pulis ang patay at dalawa ang sugatan sa pagbagsak ng helicopter ng Philippine National Police (PNP) sa Real, Quezon nitong Lunes.
Kinilala ni Police Brigadier General Roderick Augustus Alba ang nasawi na si Police Patrolman Allen Noel Ona.
Samantala, dinala naman sa ospital ang mga sugatan na sina Police Lieutenant Colonels Michael Melloria at Dexter Vitug, ayon sa Real Municipal Police Station.
May isa pang tauhan ng PNP ang sakay ng eroplano pero wala pang impormasyon tungkol sa kaniyang kalagayan.
Sa paunang impormasyon, sinabing nakasakay ang mga tauhan ng pulisya sa PNP Airbus H125 helicopter RP-9710 na umalis sa Manila Domestic Airport dakong 6:17 a.m. para sa administrative mission.
Iniulat na nawawala na ang helicopter ilang oras matapos itong lumipad.
Dakong 8:15 a.m., nang makatanggap ng impormasyon ang Real MPS mula sa PNP Air Unit tungkol sa isang helicopter na bumagsak sa Purok Mayaog, Barangay Pandan.
Kaagad na nagtungo sa lugar ang mga pulis ng Real, kasama ang Bureau of Fire Protection, at Municipal Action Center (MAC).
Nahirapan ang mga awtoridad na maghatid ng ulat dahil walang "signal" sa lugar, na tinatayang 30 kilometro ang layo sa town proper ng Real.
Pansamantalang hindi muna pinalipad ng PNP national headquarters ang mga H125 Airbus Police helicopter habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Civil Aviation Authority of the Philippines, Department of Transportation, at iba pang ahensiya sa nangyaring insidente.—FRJ, GMA News
