Umabot na sa 15 residente ng Navotas City ang isinugod sa ospital pagkatapos makalanghap ng ammonia na tumagas mula sa planta ng yelo, ayon sa ulat ni Manny Vargas sa Super Radyo dzBB.

Isa namang residente na may sakit sa puso at nahirapang huminga ang nasawi habang nililikas, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita ng GMA News.

Sinabi ni Navotas Disaster Risk Reduction Management Office (DRRMO) chief Vonne Villanueva na iniimbestigahan pa kung konektado sa pagkakalanghap ng ammonia ang pagkamatay ng residente.  

 

ADVERTISEMENT

Ayon sa mga residente ng Barangay North Bay Boulevard South Kaunlaran at NBBS Proper, naramdaman nila ang sakit sa lalamunan at mata at hirap sa paghinga matapos makaamoy ng ammonia. Malakas daw ang amoy nito.

May asthma raw ang ilan sa mga residenteng dinala sa ospital, ayon sa DRRMO ng lungsod.

Mag-a-alas-tres ng umaga ng Martes nang makatanggap ng tawag ang Emergency Operations Center o action center ng Navotas City tungkol sa ammonia leak.

Agad pinalabas ang mga empleyado ng ice plant at pinalikas ang mga residente na nakatira sa mga bahay na nasa harap ng ice plant.

Pagsapit ng 4 a.m. ay idineklara na ng Bureau of Fire Protection (BFP) na kontrolado na ang ammonia leak.

Kasalukuyan pang nag-iimbestiga ang BFP para matukoy ang pinanggalingan ng leak at masigurong wala nang panganib sa pagtagas ng ammonia. Pansamantala  munang isinara ang ice plant.

Tiniyak din ng BFP at Navotas DRRMO na nakabantay sila sa paligid ng planta upang tumugon sakaling kailangan ng mga residente.

Ayon sa Navotas DRRMO, ito na ang ikatlong beses sa loob ng dalawang taon na nagkaroon ng ammonia leak sa ice plant na ito.—Richa Noriega/KG/AOL, GMA News