Pinaboran ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ipatigil na ang operasyon ng online sabong o e-sabong.

Ang desisyon ay ginawa ni Duterte matapos magsagawa ng survey ang DILG sa mga lungsod at lalawigan tungkol sa e-sabong na sinisisi sa ilang krimen at nakakaapekto sa samahan ng pamilya.

“And the recommendation of [DILG} Secretary [Eduardo] Año is to do away with e-sabong and he cited the validation report coming from all sources,” ani Duterte sa prerecorded Talk to the People na ipinalabas nitong Martes.

“So it’s his recommendation and I agree with it and it is good. So e-sabong will end by tonight. Bukas. Lalabas ito bukas,” dagdag niya.

Ipinauubaya na ni Duterte kay Año kung kailan ipatutupad ang kaniyang utos.

“I leave it to Secretary Año kung kailan niya... it might be tomorrow or, at least, tomorrow night or tomorrow afternoon. Kapag na ano na ‘yan, because it is immediate. Immediately,” paliwanag ng Punong Ehekutibo.

Mayroong pitong accredited e-sabong operators sa bansa.

Naging laman ng mga balita ang e-sabong dahil sa mga nawawalang sabungero, mga krimen na kinasangkutan ng mga nalulong dito, at maging ang pag-operate kahit na Mahal na Araw.

Bago nito, idinepensa ni Duterte ang e-sabong dahil sa nakukuhang buwis dito na kailangan ng gobyerno lalo na ngayong may pandemiya.

Ayon sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR), umabot sa P2 bilyon ang kinita na ng gobyerno sa e-sabong ngayong taon.

Pero ayon kay Duterte, maaaring ipatigil niya ang e-sabong kapag napatunayan na may masama itong epekto sa mga tao.

Sa Talk to the People nitong Martes, sinabi ni Duterte na maliwanag ang mensahan na "e-sabong is working against our values."

"Ang labas hindi na natutulog yung sabungero, 24 hours [ang operation ng e-sabong]",  pahayag ng pangulo.

Samantala, sinabi ni PAGCOR chairperson Andrea Domingo na dapat ipatupad ng mga regulator ang utos ng pangulo.

“The Executive Secretary will issue a formal memorandum to this effect and we will serve the appropriate notice to the PAGCOR regulated e-sabong operators,” ani Domingo sa GMA News Online.

“We will also inform the COA (Commission on Audit) Auditor officially that starting today, there will no longer be revenues collected from e-sabong operations,” dagdag niya. —FRJ, GMA News