Inihayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Biyernes na naitala nitong Marso ang pinakamababang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho sa bansa mula nang magkaroon ng COVID-19 pandemic.

Sa virtual press briefing, sinabi ni PSA chief and National Statistician Claire Dennis Mapa, na ang mga walang trabaho na edad 15 pataas nitong Marso ay nasa 2.87 milyon, o 5.8% unemployment rate.

Mas mababa ito sa 3.13 milyon na walang trabaho noong Pebrero o katumbas ng 6.4% unemployment rate.

ADVERTISEMENT

Mula nang magkaroon ng lockdown noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic, umabot sa all-time high na 17.6% ang unemployment rate sa bansa, o katumbas ng 7.3 milyon katao.

Sa pahayag ng National Economic and Development Authority (NEDA), inihayag na ang pagkabawas ng mga trabaho ay bunga nang paglagay sa Alert Level 1 ng maraming lugar sa bansa noong Marso.

Sa ilalim ng Alert Level 1, pinapayagan na ang mga negosyo na mag-operate sa 100% capacity at walang age restrictions at inalis na rin ang mga harang.

“The March labor force survey results reflect the gains from moving around 70% of the economy to Alert Level 1. As we continue to manage the risks, we reiterate our recommendation to shift the entire country to alert level 1 to generate more employment and strengthen the domestic economy against external shocks,” ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua.

Sa pagkakabawas ng mga walang trabaho, tumaas naman sa 46.98 milyon nitong Marso ang mga nagkaroon ng trabaho kumpara sa 45.48 milyon noong Pebrero.

Gayunman, tumaas din ang underemployment rate mula sa 14% na naging 15.8%. Nangangahulugan ito na mas dumami ang mga manggagawa na nangangailangan ng karagdagang trabaho o karagdagang kita.—FRJ, GMA News