Naaresto na sa Sta. Cruz, Maynila ang dalawang lalaki na nakapagnakaw ng nasa 20 motorsiklo sa serye ng kanilang mga pagnanakaw sa Kamaynilaan. Ang mga suspek, sinubukan pang tumakas nang sitahin sa checkpoint.

Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing mapapanood sa isang footage ng tapat ng bahay ng isang pulis sa Barangay 82 sa Tondo, Maynila noong Mayo 6, kung saan unti-unting lumapit ang isang lalaki sa isang nakaparadang motorsiklo.

Makikita namang nakabantay ang kaniyang kasamahan sa bandang kanan ng video.

Nang malapitan na ng lalaki ang motor, agad niya itong itinakbo na wala pang isang minuto.

Mayo 13 nang muling makunan ng CCTV ang dalawang suspek, na magkaangkas na dumating sakay ng motor sa Barangay 403 sa Sampaloc.

Bumaba ang isa sa kanila habang minamanmanan ng kaniyang kasama ang paligid para matiyak na walang tao.

ADVERTISEMENT

Bahagya pang nahirapan ang dalawa sa pagkuha ng motor, pero tuluyan pa rin nila itong nanakaw.

Nagnakaw din ng motorsiklo ang mga suspek sa Gastambide sa Sampaloc noon namang Mayo 18. Makikitang umaaligid ang isa sa kanila sa isang nakaparadang motorsiklo, hanggang sa dumating ang kaniyang kasamahan.

Nilapitan ng nagmamanmang lalaki ang motorsiklo, kinalikot, saka tinangay.
Nadakip ng mga operatiba ng Sta. Cruz ang mga suspek na kinilalang sina Jerome Manapat at Marly Gomez.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel John Guiagui, station commander ng Sta. Cruz Police, nahuli nila ang mga suspek nang tinangka nilang takbuhan ang checkpoint sa Oplan Sita.

Nang mahabol ng pulisya, natuklasan ng mga awtoridad na walang papeles ang mga motor.

Nakuha rin sa kanila ang isang baril at dalawang bakal, na kanilang ginagamit bilang "universal key" para magnakaw ng mga motorsiklo.

Sinabi ng Sta. Cruz Police na nasa 20 motorsiklo na ang nananakaw ng mga suspek sa Maynila, Caloocan, Malabon, at Navotas.

"Actually ang mga ito is nagmemekaniko lang ng mga motor. Dinadala sa kanila 'yung mga nakaw then kinakalas-kalas nila 'yon, parts by parts tapos china-chop-chop nila 'yun tapos binibenta sa buyer. P1,800 isang motor 'yun, paghahatian pa nila. Naeengganyo ngayon silang tumira ng motor," sabi ni Guiagui.

Inamin ng mga suspek ang krimen.

"Nag-iikot lang po kami pagdating ng alas-diyes hanggang alas-dos lang po ng madaling araw. Kapag may nadaanan po, kinukuha. 'Pag wala umuuwi po," sabi ni Manapat.

"Kapag bumababa po siya hinihintay ko po siya, tapos maya-maya po nakukuha niya na po. Napasama lang po ma'am, kasi dati po nagbabaklas lang po niyan," sabi ni Gomez.

Tuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad kung saan at sino pa ang nabiktima ng mga suspek.

Sasampahan sila ng kasong carnapping. —Jamil Santos/VBL, GMA News