Sa pagtatapos ng kaniyang termino kaninang tanghali, umalis na ng Malacañang si dating Pangulong Rodrigo Duterte. Hiling niya sa publiko, suportahan ang bagong administrasyon ni Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.

"Let us give all our support to the new administration...tulungan natin sila," sabi ni Duterte sa video na kuha ni dating Presidential Communications Secretary Martin Andanar.

Pinuri ni Duterte ang mga naging miyembro ng kaniyang Gabinete, na kabilang umano sa mga pinakamagagaling.

ADVERTISEMENT

"I am a student of government. I have been in the government for so long. I assembled one of the best Cabinet ever," saad niya. "Totoong-totoo 'yan. Piling pili ko.

Iniulat naman ni Luisito Santos ng Super Radyo DZBB na nakita si Duterte na nagpunta sa isang mall sa Makati para mag-shopping at kumain matapos itong umalis ng Malacañang.

 

 

Ayon sa ulat, kasama ni Duterte ang ilang tauhan ng Presidential Security Group (PSG.)

Nauna nang inihayag ni Duterte na uuwi siya sa kaniyang bahay sa Davao City pagkatapos ng kaniyang termino bilang pangulo ng bansa. —FRJ, GMA News