Sasampa muli sa ring at magsusuot ng gloves ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao para lumaban sa isang exhibition match na mangyayari umano sa darating na Disyembre.

Makakalaban ni Pacquiao sa nasabing exhibition match ang Korean YouTuber na si DK Yoo. Pero wala pang inilalabas na ibang detalye tungkol dito.

Sa Instagram post, inanunsyo ni Yoo nitong Huwebes na mangyayari ang kanilang laban ng dating senador sa December 10.

ADVERTISEMENT

 

 

Nakatakda umanong pumirma ang dalawa sa kontrata para sa exhibition fight sa July 20.

Noong Hunyo, nag-post si Yoo ng video na kasama niya si Pacquiao at may caption na, "Contract with Pacquiao Highlights."

Setyembre 2021 ang magretiro sa boksing ang Pinoy eight-division world champion, dalawang buwan matapos matalo kay Yordenis Ugas para sa WBA welterweight championship.

Kasabay rin nito ang paghahanda niya noon para sa pagtakbong pangulo noong May election kung saan natalo siya.

Si DK Yoo ay isang sports and fitness instructor at founder ng Warfare Combat System. —FRJ, GMA News