Maglalagay ng dagdag na traffic enforcer ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga lugar na sakop ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) kasunod ng pasya ng Korte Suprema na pansamantalang ipatigil ang programa sa pamamagitan ng pagpapalabas ng temporary restraining order (TRO).
Sa pulong balitaan nitong Miyerkules, sinabi ni MMDA spokesperson Crisanto Saruca Jr., na ipatutupad ng kanilang mga tauhan ang batas-trapiko sa mga lugar na sakop ng NCAP.
“Lahat po ng merong CCTVs ang MMDA na nabanggit ko nanina yung EDSA, C5, Commonwealth, Quezon Avenue, Roxas Boulevard, at Macapagal Boulevard. Dati po merong pinapatupad na NCAP diyan so diyan po tayo magdagdag ng mga traffic enforcer para mapatupad yung ating traffic management,” ani Saruca.
Sasangguni rin umano ang MMDA sa Office of the Solicitor General (OSG) kung maaari itong makialam sa petisyon laban sa NCAP na itinakda ng SC ang oral argument sa Enero 2023.
Naglabas ng TRO ang SC laban sa NCAP matapos magpetisyon laban sa programa ang ilang transport groups. Bukod sa MMDA, nagpapatupad din ng NCAP ang ilang lokal na pamahalaan sa Metro Manila, partikular ang Maynila, Quezon City, Valenzuela, at Parañaque.
Ayon kay Saruca, nasa 107,000 na motorista ang nahuli ng NCAP mula Enero hanggang Agosto 24, 2022.
Karamihan umano sa paglabag ay hindi pagsunod sa traffic signs, paglabag sa number coding, at hindi pagsunod sa loading at unloading zones. — FRJ, GMA News
