Patay ang broadcaster at kolumnistang si Percival Mabasa na mas kilala bilang Percy Lapid matapos siyang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin sa Las Piñas City nitong Lunes ng gabi.

Nangyari ang insidente sa Barangay Talon Dos, ayon sa ulat sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes.

Ayon sa pulisya, papasok sa isang subdivision si Lapid dakong 8:30 p.m. sa Aria Street nang pagbabarilin ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo.

Sabi naman ng mga nakasaksi, isang SUV ang bumangga muna sa likuran ng sasakyan ng biktima bago ito tinabihan ng mga naka-motorsiklo.

ADVERTISEMENT

Agad tumakas ang mga suspek.

Narekober ng mga pulis ang dalawang basyo ng baril sa crime scene.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. Nagsimula na silang magkalap ng CCTV footage na posibleng nakahagip ng pangyayari.

Bumuo na ng special investigation task force ang pulisya para tumutok sa imbestigasyon, ayon sa Philippine National Police nitong Martes.

Ayon sa mga kaanak, wala silang alam na death threat laban kay Lapid. Pauwi na raw ang biktima nang mangyari ang pamamaril.

Dinala na sa punerarya ang mga labi ng brodkaster.

Host ng online broadcast program na "Percy Lapid Fire" sa DWBL 1242 at kolumnista ng Hataw ang biktima. —KG, GMA News