Nag-viral ang isang lalaki matapos niyang ipa-tattoo sa kaniyang braso ang huling grocery list ng bunso niyang kapatid, bago ito mamaalam nitong Hunyo dahil sa sakit.

Sa “Mornings with GMA Regional TV,” ikinuwento ni Bojo Aquino, factory worker sa Taiwan, na bilang panganay, "eldest son" ang turing niya sa bunso nilang kapatid na si JR.

"Kaya lahat po ng mga gusto niya, lahat ng pabili at mga kailangan niya, binibigay ko po lahat sa kaniya. Ini-spoil ko po siya para sa mga paglalambing niya sa akin," sabi ni Aquino.

Ayon kay Aquino, pinakanami-miss niya kay JR ang pagiging malambing nito sa kaniya sa tuwing magpapabili ng mga pagkain o order.

"Simula nung nandito ako sa Taiwan, every payday po talaga is siya 'yung unang nagcha-chat sa akin kung kailan po ako magpapadala, kung kailan 'yung araw ng padala ko. Tapos maglilista na po 'yan ng sarili niyang groceries para ipasabay sa mother ko. Every month po consistent po 'yun," kuwento ni Aquino.

Bago nito, na-diagnose si JR na may kidney stones nitong nakaraang taon. Nagamot naman daw ito noong mga sumunod na buwan, ngunit nanghina ang katawan ni JR at tinamad na kumilos.

"First week of June parang nalutang ang isip niya, tapos sinugod namin siya sa ospital, the finding was pneumonia. Hindi po siya naagapan agad tapos tinransfer namin siya sa ibang hospital. Doon na rin siya parang lumala. So we decided na iuwi na lang din siya, nilaban namin pero siguro hanggang du'n na lang talaga 'yung buhay niya, kaya tinanggap na rin po namin," kuwento ni Aquino.

"Sabi ko noon, my next tattoo will be my most memorable tattoo na hindi ko pagsisisihan," caption ni Aquino sa kaniyang video na ikinaantig ng netizens.

Namaalam man nitong Hunyo, mananatiling buhay ang alaala ni JR dahil sa grocery list na kaniyang isinulat, na ipina-tattoo ng kaniyang kuya sa braso nito.

"JR, kung nasaan ka man ngayon, sana masaya ka na. Masaya na rin kami para sa'yo kasi wala ka nang paghihirap na dinaranas. Mahal na mahal kita, sobrang miss ka na ng kuya," mensahe ni Aquino sa yumaong kapatid.  — VBL, GMA News