Asahan sa susunod na linggo ang malakihang dagdag-presyo sa diesel na posibleng umabot sa mahigit P4 bawat litro.
“May indikasyon na mukhang magkakaroon ng increase next week,” ayon kay Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad sa public briefing sa state-run PTV nitong Biyernes.
Batay sa naging oil trading sa international market nitong nakalipas na apat na araw, posible umanong mahigit P4 per liter na itaas sa presyo ng diesel.
Habang hindi naman aabot sa P1 per liter ang maaaring madagdag sa gasolina, at P2 per liter ang itataas ng kerosene.
Sa nakalipas na limang linggo, sunod-sunod ang naging tapyas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon sa isang oil industry source, maaaring P4.40 hanggang P4.70 per liter ang iangat ng halaga ng diesel sa susunod na linggo. Habang nasa P0.40 hanggang P0.70 per liter naman sa gasolina.
Ayon kay Abad, isa sa mga dahilan ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ay ang pasya ng OPEC (Organization of Petroleum Exporting Countries) Plus coalition na bawasan ang oil production ng two million barrels bilang suporta sa bumababang presyo ng langis dahil sa agresibong pagpapatupad ng US ng kanilang interest rate hike.—FRJ, GMA News

