Sinabi ng Commission on Audit (COA) sa ulat na 90 porsiyento ng mga benepisyado ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang nananatiling nasa poverty line kahit ilan taon na silang nasa programa ng pamahalaan.
Sa performance report ng programa na bilyon-bilyong pondo ang inilalaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) bawat taon, sinabi ng COA na nasa 3,820,012 o 90% ng 4,262,439 active household-beneficiaries ng P4s ang nasa programa ng mula pito hanggang 13 taon.
Umabot sa P537.39 bilyong cash grants ang naibigay hanggang nitong June 30, 2021.
"This means that 90% of the active household-beneficiaries remained below poverty threshold even after being in the program for a long period of time," puna ng COA.
Sa Senate budget hearing nitong Miyerkules, sang-ayon si DSWD Secretary Erwin Tulfo na kailangang repasuhin ang 4Ps law na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019.
"Maganda naman ang layunin pero mukhang hindi po talagang napag-aralan nang maayos, the way I look at it," ani Tulfo.
Sa naturang batas, kasama sa probisyon ang paglalagay ng sever-year limit sa mga mahihirap na benepisyado para manatili sa 4Ps program, na nagsimula pa noong administrasyon ni dating Pangulong Gloria Arroyo.
Sa ulat ng COA, sinabi nito na mayorya ng mga nasa programa ang matatanggal pagsapit ng 2026 kung ipatutupad ang batas. Kasamang maapektuhan ang mga mahihirap na mag-aaral.
"This seven-year rule may affect the chances of the student-beneficiaries to complete their high school education," puna ng COA.
Idinagdag pa sa ulat ng COA na hanggang nitong March 2020, mayroong 2.6 million o 33% ng 4Ps student-beneficiaries ang nasa elementary level pa.
"Applying this limit, essentially about 2.6 million students will no longer receive financial support from the program by 2026," anang COA.
Sabi pa ng COA tungkol sa seven-year limit, "it is crucial and needed to be given equal attention because the last two years of school are designed to equip the students with skills that will increase their chances of landing a job."
Una rito, naghain ng resolusyon si Senador Risa Hontiveros upang magpatawag ng joint congressional oversight committee para pag-aralan kung dapat pang ipagpatuloy ang pagpapatupad ng 4Ps Law. —FRJ, GMA News

