Nasa Phase 1 na ng clinical trial sa Amerika ang naimbentong posibleng gamot laban sa brain cancer na nagawa ng isang neurosurgeon doctor na may dugong Pinoy.
Sa programang "Dapat Alam Mo!," tinawag na OS2966 ang nasabing gamot na nilikha ni Dr. Shaw Carbonell sa California.
Paliwanag ni Carbonell, safety trials pa lang ang gagawin sa Phase 1 ng clinical trials kung saan aalamin kung ligtas bang gamitin sa pasyente ang gamot.
Aniya, kailangan muna nilang makumbinsi ang FDA o Food and Drug Administration ng US, na ligtas ang gamot para umusad sa susunod na bahagi ng pagsubok o Phase 2, kung saan gagamitin na ito sa pasyente.
Sa Phase 2 ay susubaybayan na kung gaano karami ang gagamitin sa pasyente at aalmin kung may bisa ba ang gamot laban sa brain cancer.
"After that comes Phase 3 which is more patients, but many many years ahead," paliwanag ni Carbonell.
Ang naging inspirasyon daw ni Carbonell para gawin ang posibleng gamot sa cancer ay ang mga naging pasyente rin niya sa cancer.
Ayon kay Carbonell, ilang daan na cancer patients na ang nakilala niya at marami sa mga ito ang pumanaw na.
Sa Pilipinas, sinabi sa ulat na pangatlo ang cancer sa nakamamatay na sakit ng mga Pinoy.
Kaya naman inihayag ng Cancer Control ng Department of Health (DOH) ng Pilipinas na magiging malaking tulong kung magtatagumpay ang experimental drug ni Dr. Carbonell. --FRJ, GMA News
