Nakipagkita si Israeli President Isaac Herzog sa asawa ni Mary Ann Velasquez De Vera, ang Pinay caregiver na nasawi sa Iranian airstrike sa Tel Aviv, upang ipahayag ang kaniyang pakikiramay sa pagpanaw ng kabiyak nito.
Tinanggap ni Herzog si Bernie Lavares sa Beit HaNassi (Bahay ng Pangulo) sa Jerusalem, ayon sa social media post ng Philippine Embassy in Israel noong Huwebes ng gabi.
“On behalf of the State of Israel, I send my deepest condolences to Mary Ann’s family and the entire nation of the Philippines,” ayon kay Herzog.
Tiniyak din ng Pangulo ng Israel kay Lavares na magkakaroon ng pinansyal na tulong sa ilalim ng national insurance system ng Israel ang naulilang pamilya ni De Vera.
Nagpasalamat din si Harzog sa komunidad ng mga Pilipino sa kanilang mga kontribusyon sa Israel.
Si De Vera, na nagtatrabaho sa Israel mula pa noong 2019, ay nasawi matapos tamaan ng shrapnel mula sa isang missile attack ng Iran habang inililigtas ang kaniyang amo.
Samantala, sinabi ni Israeli Ambassador Dana Kursh, na inaasikaso na para maiuwi ang mga labi ni De Vera.
“God willing, the remains will end accompanied by Ernie, the husband of Mary Ann De Vera, will return very, very soon,” sabi ni Kursh sa panayam ng GMA Integrated News, na iniulat sa Balitanghali.
Nagpahayag din ng pakikiramay ang Israeli Ambassador sa mga naulila ng Pinay at tutulungan aniya sila ng Israeli Government.
Gayunman, walang tinukoy na petsa si Kursh kung kailan maiuuwi ang mga labi ni De Vera.
Marso 1 nang kumpirmahin ni Pangulong Bongbong Marcos na nasawi si De Vera habang tinutulungan ang kaniyang alaga na makapunta sa bomb shelter sa Tel Aviv.
Samantala, sinabi ni Ambassador Kursh, ginagawa nila ang lahat ng hakbang para magbukas na ang Strait of Hormuz, na pangunahing daanan ng mga may barkong may kargang langis at natural gas na galing sa Middle East.
Tila may banta naman si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu sa bagong Iranian Supreme Leader na si Mojtaba Khamenei at sa pinuno ng grupong Hezbollah na kaalyado ng Iran.
Ayon kay Netanyahu, hindi siya magbibigay ng life insurance policy sa dalawang leader.
Bago nito, nagbabala ang bagong Iranian Supreme Leader na patuloy nilang haharangan ang Strait of Hormuz hanggat hindi tumitigil ang Amerika at Israel sa pag-atake sa kanila sa Iran.
Patuloy rin umanong tatargetin ng Iran ang US military bases sa Middle East.
Nagpapagaling ngayon si Mojtaba Khamenei matapos masaktan sa mga pag-atake noong Pebrero 28 na ikinasawi ng kaniyang ama at dating Iranian Supreme Leader Ali Khamenei. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
