Nauwi sa disgrasya ang masaya sanang salo-salo ng 11 estudyante sa isang kainan para ipagdiwang ang kaarawan ng isa sa kanila nang bilang sumabog ang portable butane stove sa kanilang lamesa sa Dagupan City, Pangasinan. Pangasinan.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nagkayayaan ang mga biktima na pumunta sa isang kainan sa Barangay Karanglaan pagkatapos ng kanilang klase.

Pero dahil umano sa gas over pressure, sumabog ang portable butane stove at lumikha ng fireball na tumama sa mga estudyante.

Ayon kay Police Captain Eric Dela Cruz, commander ng Dagupan City Police Station2, kinakantahan na ng mga estuyante ang kasama nilang may kaarawan nang mangyari ang insidente.

Nagtamo ng mga lapnos ang mga biktima na dinala sa ospital. Walo sa kanila ang nananatili sa pagamutan.

Ayon kay Dela Cruz, dalawa sa walong nasa ospital ang nagtamo ng malubhang pinsala na kinakailangang operahan.

Sinabi naman ng staff ng kainan na si Romel Tumbaga, na biglaan ang pangyayari at nakita niyang nagtatakbuhan na ang mga tao dahil sa nangyaring pagsabog.

Inihayag din niya na unang pangkakataon na nangyari ang insidente. Regular din umano nilang sinusuri at nililinis ang kanilang gamit sa restaurant.

Nagkaroon na umano ang inisyal na pag-uusap ang pamunuan ng kainan at pamilya ng mga biktima, ayon kay Dela Cruz. – FRJ GMA Integrated News