Sangkaterbang kulay pink na dikya na kasinglaki ng plato ang bumulaga sa baybayin ng isang barangay sa Taytay, Palawan

Sa ulat ni Kuya Kim Atienza sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabi ng Municipal Agriculturist Office - Taytay, Palawan Aquaculture Technician I na si Marry Ann Bayani, na may naamoy silang masangsang noong Martes ng umaga kaya sinuri nila ang baybayin.

Doon na nakita ang mga dikya na tinatwag na labong-labong.

“Na-check po namin ‘yung sa gilid kasi low tide nga po, Tiningnan ko, napansin po namin marami na pong pink na jellyfish na nagkalat doon. Nagulat lang po talaga kami kasi first time ko po nakita na sobrang daming ganong klaseng jellyfish,” kuwento ni Bayani.

Hinala ni Bayani, ang pagkakapadpad ng mga dikya sa baybayin ay bunga ng pagbabago ng temperature sa dagat.

“Siguro po ‘yung pag-iiba ng temperature ng tubig. ‘Yung cold water," saad niya.

Ayon kay Kuya Kim, lumalaki ang mga tomato jellyfish o labong-labong (Crambione mastigophora) nang hanggang 40 centimeters. Karaniwan daw itong nakikita sa karagatan ng Indo-Pacific.

Batay umano sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), sinabi ni Kuya Kim na kadalasang nakikita ang mga tomato jellyfish kapag mainit ang panahon.

“This is not rare this time. Mayroon naman talaga sa area na ‘yon. You can attribute that to the extreme heat, lalo na sa coastal waters. Puwede pa nating i-attribute ito sa availability of food,” sabi naman ni BFAR MIMAROPA OIC-Regional Director Roberto Rodriguez Abrera.

Bagaman hindi nakamamatay ang salabay ng labong-labong, kailangan pa rind aw mag-ingat ang mga tao sa paglapit dito dahil nakapagdudulot ito ng pangangati sa balat.

"There's no cause to panic sa ating mga beachgoer and even local communities. In the first place itong area hindi naman tourism beach area, nothing to cause for alarm. Hayaan lang po. Natural phenomenon ito," dagdag ni Abrera. —Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News