May nilinaw si “PBB: Celebrity Collab Edition 2.0” Kapamilya Big Winner Lella Ford tungkol sa samahan nila ng Kapuso Big Winner na si Caprice Cayetano.
Sa isang video ng “Fast Talk with Boy Abunda,” sinabi ni Lella na walang tensiyon sa pagitan nila ni Caprice.
“Wala pong may tension or anything. Caprice and I, sobrang close po talaga namin,” sabi ni Lella.
“I was just with her a few days ago and we're good. Wala po talaga, it's just the noises,” sabi pa niya.
Ayon pa kay Lella, parang pamilya na ang turingan ng housemates sa isa't-isa.
Samantala, nilinaw din ng TV host na si Boy Abunda na itatanong niya dapat ang naturang isyu sa live guesting nina Lella at inang si Karla Estrada noong Miyerkoles, pero naubusan sila ng oras sa live show kaya in-record na lang nila ito.
“I wanted to ask the question dahil kailangan sagutin, dahil marami ang fans, followers na nag-aantay ng kasagutan. Pero marami nang mga speculations po ang lumabas,” sabi ni Tito Boy.
“(May nagsasabing) Ayaw sagutin ni Lella, pinagbawalan kami ni Karla Estrada, sadya naming hindi… Hindi po totoo ‘yan. Nawalan lamang po kami ng oras,” paglilinaw pa ng King of Talk.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
