Inihayag ni Bela Padilla ang paghanga kay Carlo Aquino na bukod sa magaling ay nagpamalas ng propesyonalismo habang ginagawa nila ang pelikulang “A Special Memory.” Ang aktor kasi, kinailangang harapin sa fear of heights at itinuloy ang shooting kahit nag-collapse nang ma-high blood.

“Ito na, 'yung Fear of Heights ko, nagkaroon kami ng kaunting argument ni Director Jerry (Lopez-Sineneng) kasi nga ayokong sumakay sa rides. Pero kasi si Bell, gusto niyang kuhanin 'yung eksena na ‘yun,” kuwento ni Carlo sa isang press con, na iniulat sa Kapuso Showbiz News.

“So, ang ginawa ko, sobrang na-anxiety ako. So, nagagalit ako sa sarili ko. Pumutok ako du’n habang nandu’n na sa ride,” dagdag ni Carlo.

Dahil dito, nagalit umano si Direk Jerry at ipinaalala sa kaniya na pumayag siyang gawin ang eksena.

“Kinuhanan namin 'yung scene, nagawa ko. Pero hindi ko alam kung nasama dahil ‘yung mukha ko tatakot-tatakot yata du’n,” kuwento pa ni Carlo.

Matapos nito, humingi si Carlo ng paumanhin sa direktor.

“Tapos after nu’ng scene, dahil nga ayoko nang magsayang ng mga oras na hindi kami mag-uusap, nakasama ko siya, lumalaki ako sa industriyang ito, nilapitan ko na, humingi na ako ng dispensa. At right there, naging okay kami ni direk,” patuloy ng aktor.

Si Bela naman, hindi malilimutan nang ma-highblood si Carlo at maudlot ang kanilang taping.

“Ako, special memory ko dito, may eksena kami dito ni Carlo na heavy scene. Magbabasag siya ng mga plato. So, dahil budget.com po kami rito at one camera lang nu’ng araw na ‘yun, kailangan ko 'yung tailing camera na lumipat pa sa akin at mag-focus. So, I had to wait for a cue for me to look,” kuwento ng aktres.

“Tapos, sabi ko, sobrang tagal na. Kanina pa nabasag 'yung plato, wala pa rin nag-cue sa akin,” pagpapatuloy niya.

Kalaunan, nalaman ni Bela na may nangyari pala sa kaniyang on-screen partner.

“So, pagtingin ko si Carlo nasa sahig na, parang muntik siya mag-pass out, or nag-pass out. Na high blood si Carlo sa eksena,” ayon kay Bela.

Ibinisto rin ni Bela si Carlo na sadyang mahilig sa mga pagkaing “putok-batok.”

“So, si Carlo kasi 'pag hindi kami nagti-take, 'pag lunch on, gusto niya kainin lagi mga liyempo, taba ng baboy. Siguro dahil sobrang payat niya, akala niya okay siya. Hindi siya kumakain ng gulay, gusto niya ng kape, maraming kape. So, 'yun, high blood po siya sa set. Nu’ng nagbasag siya ng plato, talagang 'yung BP niya tumaas,” ani Bela.

Kinabahan si Bela noong mga sandaling iyon at napasabi na ng, “‘Ay, pack up pa pala kami.’”

“‘Ang tagal kong niligawan ‘tong pelikulang ‘to. Hindi pa yata matutuloy,’” sabi pa niya.

Gayunman, ipinakita ni Carlo ang professionalism nito at gustong ipagpatuloy ang taping. Kalaunan, nagdesisyon si direk Jerry na huminto muna para makapagpahinga si Carlo.

“But, no, he took it like a champ. Right after that, they checked his BP. They gave him something to smell. They gave him meds. He wanted to shoot right after. Ayaw na naming lahat kasi nag-violet na 'yung labi niya. Gusto niya pa mag-shooting. Kinakusap ako ni direk sa comms. Sabi niya, ‘Bells, ‘Nak, sa ibang araw na natin itutuloy.’ ‘Ay, opo, Direk, opo,’” kuwento niya.

“So, kinalimutan ko na 'yung eksena. Tumigil na akong umiyak. Biglang si Carlo, nakita ko sumisenyas. Sabi niya, ‘No, Direk, one more.’ Ha? Bumitaw na ako,” sabi pa ni Bela.

Inihayag ni Bell ang paghanga kay Carlo na hinarap ang mga limitasyon para matapos ang project.

“Sobrang galing masyado. Sobrang professional,” paglalarawan niya kay Carlo.

“So, I think, ang dami nangyari sa set na ‘to. Health scares, height scares, rain, near-death experiences. But, funnily, overall, I think this is one of my lightest projects to date. It was so easy to be on set, like Direk Jerry said. Wala masyado pressure. It was very easy,” sabi ni Bela.

Kasalukuyang napanonood ang "A Special Memory" sa mga sinehan.—FRJ GMA Integrated News