Isang bangkay ng babae na nasa sako ang nakita sa isang irrigation canal sa Cabanatuan City, Nueva Ecija. Dalawang araw bago nito, unang nakita ang bangkay ng kaniyang mister sa irrigation canal din sa ibang lugar.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nakita ang bangkay ng babae nitong Miyerkules ng hapon sa Barangay Cabu, matapos na may residenteng makapansin sa paa nito na nakausli sa sako habang nakalutang sa canal.
Natukoy ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng 56-anyos na biktima na residente ng General Natividad.
Ayon sa pulisya, unang nakita ang bangkay ng mister nito sa irrigation canal din sa bahagi ng Barangay Popolon sa Palayan City, noong Marso 9.
Nakita naman ang motorsiklo ng mag-asawa noong Miyerkules din sa Barangay Bravo sa General Natividad.
Hinala ng pulisya, itinapon sa irrigation canal sa Palayan ang bangkay ng mag-asawa matapos paslangin. Ang bangkay ng babae, maaaring tinangay umano ng tubig patungo sa Cabanatuan.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang krimen. Wala pang pahayag ang mga kaanak ng mga biktima. –FRJ GMA Integrated News
