Patay ang anim na magkakaanak nang sumiklab ang sunog sa kanilang bahay sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City nitong Sabado ng madaling araw.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), ang mga biktima ay kinabibilangan ng isang 79-anyos na lalaki, isang 30-anyos na babae, at ang kanyang mga menor de edad na anak na 12-anyos, 7-anyos, at 2-anyos, base sa ulat ni Luisito Santos sa Dobol B TV.

Lima sa mga bangkay ang nailabas na ng bahay dakong 6:30 a.m. nitong Sabado. Ang ikaanim na bangkay ay nailabas pasado alas-siyete ng umaga.

Ayon sa BFP, maaaring nagtangkang lumabas mula sa nasusunog nilang bahay ang mga biktima base sa lugar kung saan natagpuan ang kanilang mga bangkay.

Dalawa sa mga biktima ay nakita sa ground floor, dalawa sa hagdanan — ang ina at ang kanyang 2-anyos na anak — at dalawa pang menor de edad sa ikalawang palapag.

Posibleng na-suffocate daw ang mga biktima at nawalan ng malay bago sila natamaan ng debris mula sa nasusunog na bahay.

Nagsimula ang sunog noong 1:54 a.m. sa bahay ng mga biktima sa Villa Corina Subdivision.

Itinaas ng BFP ang unang alarma, at kanilang naapula ang apoy noong 3:20 a.m.

Sa isang hiwalay na ulat sa Super Radyo dzBB, inilahad ng mga kapitbahay na sinubukan nilang sagipin ang mga biktima, na pinaniniwalaang natutulog nang sumiklab ang apoy sa bahay.

Gayunman, hindi na nakapasok ang mga kapitbahay dahil nakakandado ang pinto nito.

Patuloy ang imbestigasyon ng BFP upang matunton ang sanhi ng sunog.

Aabot daw sa P1.5 milyon ang halaga ng damage mula sa sunog, ayon sa BFP. —Jamil Santos/KG/LBG, GMA News