Tatlong suspek sa mga kasong panggagahasa ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya. Ang isa sa kanila, sa sementeryo nadakip nang may dalawin na nakalibing na kaanak.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing nadakip ng mga tauhan ng Police Regional Office 8 sa Coron, Palawan si Noreto Kompate.

May kinakaharap na kasong pagdukot at panggagahasa ang suspek sa Southern Leyte.

Ayon sa pulisya, halinhinang inabuso umano ng suspek at apat pa niyang kasabwat ang biktima na naganap noong November 2014.

“Napag-alaman natin na ito ay dadalaw sa puntod ng kaniyang mahal sa buhay doon sa sementeryo. Kaya hindi na tayo nag-atubili pa nang malaman natin kung saan siya pupunta agad po natin itong sinundan,” pahayag ni Police Colonel Reydante Ariza, Chief Regional Intelligence Division-PRO 8.

Sa hiwalay namang operasyon, nadakip ang suspek na may warrant sa kasong rape dahil sa pang-aabuso ng kaniyang sariling anak sa Northern Samar noong 2010.

Nahuli rin ang isa pang suspek sa panghahalay sa dalawa niyang anak na menor de edad noong 2021.

Natunton siya ng pulisya sa kaniyang pinagtataguan sa Pasig City.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng mga inaresto, ayon sa ulat.-- Sherylin Untalan/FRJ, GMA News