Sinentensyahan ng 21 taon na pagkakakulong dahil sa attempted murder ang lalaking bumaril sa dog walker ni Lady Gaga.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing hindi nag-contest si Jackson sa inihaing kaso laban sa kaniya.

Umamin din si Jackson sa korte sa ginawa niyang pagbaril sa tagapag-alaga ng aso ni Lady Gaga na si Ryan Fischer.

ADVERTISEMENT

Nakaligtas naman si Fischer matapos barilin sa dibdib.

Nangyari ang krimen noong isang taon sa isang kalye sa Hollywood, bago dukutin ni Jackson ang dalawang alagang French bulldog ni Lady Gaga.

Ayon sa ulat ng AFP, nakulong na rin ang dalawang iba pa na sangkot sa pag-atake kay Fischer.

Matatandaang matapos ang insidente, nag-alok si Lady Gaga ng $500,000 na pabuya sa pagkabalik ng kaniyang mga asong sina Koji at Gustav.

Isang babae na nagbalik sa mga aso para sa pabuya ang inireklamo ng pagiging accessory sa krimen, at ang pagtanggap ng mga nakaw na ari-arian. —LBG, GMA Integrated News