Anim na katao ang kumpirmadong patay matapos lumagablab ang apoy sa isang residential area sa Quiapo, Maynila madaling araw nitong Huwebes, ayon sa Bureau of Fire Protection.

Base sa ulat ng BFP, sumiklab ang apoy sa isang bahay na may apat na palapag at natupok pati na ang mga katabing bahay nito.

Itinaas ang sunog sa unang alarma ng 2:34 a.m., at ikalawang alarma ng 2:37 a.m. Umabot ito sa ikatlong alarma ng 2:50 a.m., bago ito idineklarang under control ng 4:15 am at fire out ng 8:10 a.m.

Tinatayang nasa 500 pamilya, o 1,200 katao ang apektado dahil sa sunog.

Naunang iniulat ni Jonathan Andal sa Balitanghali nitong Huwebes na nawawala ang anim na kataong nakatira sa bahay.

ADVERTISEMENT

Magkakamag-anak ang lima sa kanila, kasama ang kambal na anak ni Lalaine Perito.

“Nanggaling din sa baba ng tinitirhan nila 'yung apoy. So parang na-steam na sila doon. Noong kinukuha na sila ng mother ko para ma-save ay sumabog na yung super kalan,” sabi ni Perito.

Ayon kay Perito, nawawala ang kaniyang kapatid, asawa nito, ang bunsong anak ng mga ito, bukod sa kambal niyang mga anak.

Nagising ang mga residente ng Barangay 387 bandang 2 a.m. dahil sa tindi ng liwanag at usok na dulot ng apoy.

Nasa 50 kabahayan ang halos bumagsak dahil sa apoy.

Nahirapan din ang mga bumbero sa pag-apula dahil sa ihip ng hangin at nagkaproblema sa supply ng tubig.

Nilamon ng apoy pati na ang barangay hall.

Sugatan ang apat na katao, kabilang ang isang 40-anyos na lalaki na nalapnos ang katawan habang tumatakas sa apoy.

Lapnos din ang balat ng dalawang senior citizen, samantalang nagtamo ng mga sugat sa likod ang isang batang limang taong gulang

Patuloy na inaalam ng BFP kung paano nagsimula ang apoy. — RSJ, GMA Integrated News