Sa kulungan ang bagsak ng isang transgender woman matapos niyang maltratuhin umano ang dalawa niyang menor de edad na pamangkin sa Quezon City.

Ang suspek, dati na ring dinakip nang masawi ang isa pa niyang pamangkin dahil umano sa pambubugbog.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing inaresto ang suspek sa Brgy. Culiat, pasado 12 a.m. sa bisa ng warrant of arrest sa kasong two counts ng illegal detention at two counts ng child abuse.

Hinuli ang suspek at ang kaniyang live-in partner Nobyembre noong nakaraang taon matapos nilang bugbugin ang walong taong gulang niyang pamangkin na ikinamatay ng biktima. Naharap sila sa kasong murder at child abuse.

Release for further investigation noon ang suspek para sa kasong murder, at nakapagpiyansa para sa kasong child abuse.

Hanggang sa lumabas sa imbestigasyon na nakaranas din ng pagmamaltrato umano mula sa suspek maging ang dalawang kapatid ng nasawing biktima.

"Nagulat na lang po ako na may warrant na po ako. Wala naman po talaga akong kinalaman," depensa ng suspek.

Non-bailable ang kasong serious illegal detention, samantalang P160,000 ang itinakdang piyansa ng korte para sa kasong child abuse. —LBG, GMA Integrated News