Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ng 90 araw lisensiya sa pagmamaneho ng driver ng pickup truck na nakasagasa at nakapatay sa pitong-taong-gulang na babae sa Barangay Uso sa Suyo, Ilocos Sur.
Ayon sa LTO, pinadalhan ng show-cause order ang driver, at inilagay din sa “alarma” ang kaniyang sasakyan na Toyota Hi-Lux.
“Batay sa SCO, ipinag-utos sa driver na harapin ang Intelligence and Investigation Division (IID) sa 2/F LETAS Building, East Avenue, Quezon City, sa Biyernes, ika-23 ng Enero 2026, alas-2 ng hapon. Kailangan niyang magsumite ng sinumpaang salaysay at paliwanag kung bakit hindi siya dapat panagutin sa administratibong kaso ng Reckless Driving at pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle kaugnay sa nasabing insidente,” saad sa pahayag ng LTO.
Sa video footage sa nangyaring trahediya, nakita ang biktima na biglang tumakbo patawid sa highway at tiyempong dumating ang pickup truck.
Ayon sa ina ng bata, hindi niya namalayan na nakababa na ng tricycle ang kaniyang anak at tumakbo.
Tumigil ang driver at pinuntahan ang biktima na idineklarang dead on arrival sa ospital. – FRJ GMA Integrated News
