Ibinahagi ng SexBomb Girls member na si Jopay Paguia na sumailalim siya sa operasyon sa tuhod.

Sa kaniyang Instagram nitong Martes, nagbahagi si Jopay ng larawan ng kaniyang sarili habang nasa ospital sa “operation day.”

“Trusting God completely,” caption niya.

Sa isa namang Facebook post, nagbahagi ang kaniyang asawa na si Joshua Zamora, ng larawan ni Jopay na nakahiga sa isang stretcher sa ospital.

“May God cover her with His peace and protection as the procedure is done. May every hand that touches her knees be guided with wisdom and care,” sabi niya.

Sa kaniyang post, sinabi ni Joshua na pareho silang nananalangin para sa agarang paggaling ni Jopay.

“We pray that the fluid will be removed smoothly, without complications, and that healing will come quickly and completely,” sabi niya.

“May pain and discomfort be gone, strength be restored, and recovery be fast. Above all, may she feel God’s comforting presence and assurance that she is not alone,” dagdag ni Joshua.

Bago nito, dinala si Jopay sa ospital dahil sa isang head injury.

Samantala, nasa gitna ang SexBomb Girls ng kanilang promosyon sa mga pinakabagong round ng kanilang matagumpay na reunion concert.

Una silang nagtanghal sa Araneta Coliseum noong Disyembre 4, na sinundan ng SM Mall of Asia Arena noong Disyembre 9. Ang tatlo pang mga pagtatanghal ay gaganapin sa Pebrero 6,7, at 8 sa SM Mall of Asia Arena.

Nakilala ang SexBomb Girls nang mapanood sila sa isang noontime variety show sa telebisyon. Matapos nito, bumida pa sila sa afternoon soap na "Daisy Siete," at mga naging recording artista pa.

 

 

-- Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News