Dumagsa ang mga tao sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development - National Capital Region (DSWD-NCR) sa Maynila para mag-apply umano sa Sustainable Livelihood Program (SLP) at makakuha ng P10,000 ayuda. Pero paglilinaw ng isang opisyal, wala silang ganoong aplikasyon at hindi pa sila namimigay ng ayuda sa ngayon.

"Kahit po kami ay medyo nagulat dahil supposedly naman po na-discuss pa natin ito last week or week ago pa na suspendido 'yung pamamahagi po natin ng financial assistance dahil nga inaayos pa po natin ang pondo," sabi ni DSWD Assistant Secretary Rommel Lopez sa Dobol B TV nitong Biyernes.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Unang Balita," sinabing may ibang tao na nagtungo sa nasabing tanggapan noong Huwebes pa at patuloy na naghihintay na makakakuha ng aplikasyon.

Kabilang rito ang isang senior citizen, na nagsabi na ang kapitbahay niya ang nagbigay sa kaniya ng impormasyon tungkol umano sa pag-apply sa nasabing programa at makatatanggap ng P10,000.

Pero nang dumating siya sa tanggapan ng DSWD-NCR, sinabihan umano siya ng guwardiya na walang ganoong aplikasyon at pinayuhan na umuwi na lamang.

Ayon pa sa ulat, sinabi umano ni DSWD officer-in-charge Undersecretary Edu Punay, na batay sa paunang impormasyon na kanilang natanggap, may isang sasakyan na nagdala sa mga tao sa labas ng kanilang tanggapan.

Sinabi naman ni Lopez, tagapagsalita rin ng DSWD, na aalamin nila ang pinagmulan ng maling impormasyon.

"Iimbestigahan namin yung allegedly na announcement nga po na may distribution ng assistance na unfortunately nga po ay talagang na-misled yung ating mga kababayan," anang opisyal.—FRJ, GMA Integrated News