Arestado ang dalawang babae matapos ireklamo ng robbery-extortion ng isang Pakistani sa Makati City, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.

Nasakote sa isang entrapment operation ang dalawang suspek na kinilalang sina Diane Tarala at Meylene Villamil.

Batay sa imbestigasyon, ninakaw umano ng mga suspek ang $1,000 ng biktima matapos nilang kaibiganin ito. Kinuha rin daw nila ang mamahaling cellphone ng biktima at ipinatutubos pa sa kaniya.

Inamin ni Tarala ang krimen at humingi ng tawad sa biktima. Ayon naman kay Villamil, nabigyan siya ng pera ni Tarala pero hindi niya alam na galing ito sa Pakistani.

Nagpasalamat ang biktima sa mga otoridad sa pagkakaaresto sa suspek. —KBK, GMA Integrated News