Patay ang isang tricycle driver at ang kaniyang babaeng pasahero matapos silang masalpok ng isang SUV na minamaneho ng isang 18-anyos na estudyante sa Caloocan City.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa “24 Oras” nitong Biyernes, mapapanood sa CCTV ng Barangay 135 ang salpukan ng tricycle at SUV sa intersection ng General Malvar at Tirad Pass malapit sa EDSA.

Tumalsik ang tricycle sa lakas ng impact, humagis ang driver nito at humandusay sa kalsada.

Kumabig naman pakaliwa ang SUV at binangga ang nakaparadang kotse sa tabing kalsada. Sa kasawiang palad, napailaliman ng kotse ang nakahandusay na tricycle driver.

Nakita sa isa pang anggulo kung paano nagulantang ang mga nakasaksi sa aksidente.

ADVERTISEMENT

Kinilala ang nasawing tricycle driver na si Benjamin Lazaro, 65-anyos, at ang pasahero niyang si Maria Cecilia Chua, 50-anyos, isang public school teacher.

Sugatan din ang isang bystander.

Kinilala ang driver ng SUV na si John Asher Chua, na sinampahan na ng Caloocan Police ng reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide, physical injuries at damage to property.

Ayon sa pulisya, tinapakan ni Chua ang preno, ngunit hindi agad kumagat kaya kinabig niya ang kaniyang kotse.

Sakay ni Chua sa SUV ang kaniyang mga kaklase nang maganap ang insidente. Ligtas naman ang mga estudyante.

Tumangging magbigay ng pahayag ang driver, samantalang dinala na sa punerarya ang mga nasawing biktima.

Nakipag-ugnayan na sa pulisya ang mga kaanak ng mga biktima, at umaasang makakamit ang hustisya.

Nangako naman ang Barangay 165 na palalagyan ng humps ang naturang intersection dahil sa dalas ng mga insidente roon.

Makalipas lamang ang ilang minuto, dalawang motorsiklo naman ang nagbanggaan. — VBL, GMA Integrated News