Timbog ang isang lalaking may kasong pagnanakaw at ang kaniyang transwoman na kasintahan na nakuhanan ng 20 gramo ng shabu sa Pasong Tamo, Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing isinilbi ng pulisya ang warrant of arrest kay John Kenneth Valera Miyerkoles ng gabi.

Naisampa ang kasong pagnanakaw kay Valera Setyembre noong nakaraang taon, matapos pagnakawan ang isang guwardiya ng cellphone.

ADVERTISEMENT

Notorius ding holdaper umano si Valera.

Arestado rin ang kaniyang kasintahang transwoman na si Jasper De Guzman, alyas Jasmine matapos makuhanan umano ng droga.

Nagkakahalaga ang 20 gramo ng shabu ng P136,000.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung saan kinukuha ni De Guzman ang droga.

Pero ayon sa pulisya, sangkot din si De Guzman sa pambubugaw ng mga menor de edad.

Itinanggi ng mga naaresto ang paratang laban sa kanila.

Inihahanda na ang mga dokumento para sa return of warrant ni Valera samantalang mahaharap si De Guzman sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. —LBG, GMA Integrated News