Nalaglag at nasugatan ang isang babaeng pasahero mula sa sinasakyan niyang motorcycle taxi na gumewang umano dahil sa isang aso na tumawid sa Maynila.

Sa ulat ni Nico Waje sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Linggo, makikita na nakadapa sa kalsada at umiiyak sa sakit ang babaeng pasahero sa paanan ng McArthur Bridge.

Idinadaing umano ng babae na masakit ang kaniyang balikat at likod, at hindi siya makagalaw.

ADVERTISEMENT

Ayon sa rider na si Gediel Martino, may tumawid na aso kaya sila gumewang at nahulog ang kaniyang pasahero na hindi kaagad nakahawak.

Sinabi ni Martino na mabagal lang daw ang takbo nila, pero kinontra ng isang saksi na nagsabing mabilis ang takbo ng motosiklo.

Pagkaraang ng ilang minuto, dumating na ang ambulansiya na nagdala sa pasahero sa ospital.

Ayon kay Martino, insured ang pasahero kaya may sasagot sa gastusin sa pagpapagamot nito.

Inaalam pa umano ang pinsalang tinamo ng pasahero. ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News