Nagluluksa ang Philippine esports community sa maagang pagpanaw nina Ivan Emmanuel "Coach Navi" Gacho at Charles Dave "Chad" Dela Pena, na mga kilala sa Mobile Legends: Bang Bang Pinoy community.

Nagsilbi si Navi na head coach ng RSG Ignite sa nakaraang inaugural season ng MDL. Nakarating ang kaniyang team sa quarterfinals stage bago yumuko sa Blacklist Academy.

Bago maging coach, naglaro si Navi sa MPL, katambal ang mga katulad nina Karl "KarlTzy" Nepomuceno at Salic "Hadji" Imam sa Season 4.

Pumanaw siya nitong Lunes, April 24, sa murang edad na 24, halos isang buwan bago ang kaniyang kaarawan sa Mayo 26.

Samantala, dating Nexplay EVOS boot camp manager naman si Chad, at nagsilbi ring nakatatandang kapatid sa mga katulad nina Renejay "Renejay" Barcarse at John Paul "H2Wo" Salonga, sa loob at labas ng MPL scene.

Edad 27 naman si Chad nang pumanaw nitong Linggo, Abril 23.

"The MLBB community deeply mourns the passing of two MLBB esports personalities Charles Dave "Chad" Dela Pena and Ivan Emmanuel "Coach Navi" Gacho," pakikidalamhati ng MPL sa inilabas nitong pahayag.

"Please join us in offering our community’s thoughts and deepest sympathies to Chad and Navi's families and friends that they left behind. May you rest in peace, Chad and Navi."

— FRJ, GMA Integrated News