Nagtamo ng mga sugat ang isang babae matapos siyang pagsasaksakin ng kapatid ng kaniyang live-in partner sa Brgy. Pasong Tamo, Quezon City. Ang suspek, napuno na umano dahil sa mga pagbabanta ng biktima.

Sa ulat ni James Agustin sa Balitanghali nitong Huwebes, makikita ang dugo sa damit at paa ng 21-anyos na suspek na nadakip sa follow-up operation ng pulisya.

Dinala sa ospital ang 20-anyos na biktima na nagtamo ng tatlong saksak sa balikat at leeg.

ADVERTISEMENT

Lumabas sa imbestigasyon na napuno ang suspek sa biktima.

“‘Yung suspek natin, according sa kaniya, palagi siyang pinagbabantaan ng biktima na kinakasama ng kuya niya. ‘Pag siya naglilinis ng bahay palaging ginugulo, then may pagbabanta pa nga na ipapa-holdap ‘yung kamag-anak niya, ipapapatay siya,” sabi ni QC Police District Station 14 Investigation Detective Management Unit chief Police Captain Anthony Dacquel.

“Noong dumating ‘yung biktima roon, nagdadadabog, pinagsabihan na naman itong suspek. Noong bumaba siya, nagdilim ang paningin, kumuha ng kutsilyo, binalikan ang biktima,” dagdag niya.

“Punong puno po ako. Mga ilang araw niya na pong ginagawa sa bahay ‘yan eh, sinasadya niya po. Kapag inaayos namin, kinakalat niya. ‘Yung tubig po tinitipid namin, inaaksaya niya, kaya doon po ako nagalit,” sabi ng suspek.

Nagkaareglo sa huli ang dalawang panig, matapos pumirma ng waiver ang biktima na hindi na magsasampa ng reklamo laban sa suspek.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News